Nagbabakasakali

baka naman kasi bilog ang buwan
baka kaya nabitin sa agahan
baka naman ‘di komportable sa suot
baka kaya may naaamoy lang na mabantot

baka din kulang lang sa lambing
baka naman gusto lang malasing
baka kaya naiinis lang sa bossing
baka nais lang makipag-bonding

baka kasi kulang lang sa tulog
baka naman natatakot sa kulog
baka kaya nab’wiset sa traffic
baka naman nakalimutan ang halik

baka kasi masakit talaga ang ulo
baka kaya may gumalaw ng buhok mo
baka naman hindi nakapag-shampoo
baka talagang may mali lang sa mundo

walang kasing sungit
unti-unting pumapangit
ako’y lumalayo
habang ikaw ay lumalapit

nagbabakasakali
na lumipas na ang sungit
kahit na ilang sandali
at ngumiti na lang sa halip

 

 

Saan lulusot?

magtatangkang magpalusot
sana makalusot
sa mga ikot
pikot
o anumang klase ng kalikot
dulot
ng pasikot-sikot
sa bawat kanto ng takot

parang sapot
sa isang eskinitang makipot
pumupulupot
kumukulubot
ang saplot
walang kasing lungkot
kasiyahang sinimot
at ibinaon sa limot

sinulot
tumubo bilang isang lumot
namamaluktot sa maliit na kumot
isipang hinilot
nabubuhay sa gamot
nakasimangot
nasa gitna ng patotot
umuutot

pasensyang nalagot
walang isasagot
patuloy pa ring sumisigaw ang magbabalut
hindi pa rin maituwid ang kulot
kasal na walang sumipot
puno ng takot
lagot
naubusan ng palusot

boredbonedraws.tumblr.com

Hiling sa dilim

sakupin mo ako dilim
ibulong sa akin ang iyong lihim
isusumpang ‘di malalaman ng buwan
ang anino ng nakaraan

ang lamig ay sa‘kin iyakap
awitan mo ang bawat pangarap
haplusin ang aking kaluluwa
isama sa libing ang iniisip na masama

ibalot sakin ang magpakailanman
yayakapin maski ang kawalan
iibigin ko ang kadiliman
sapagkat doon lang makikita ang kinang

pawiin ang lungkot sa’king dibdib
nagbabagang bulalakaw ay ihatid
iisa lamang ang tanging hiniling
matagpuan ang aking bituin

(Old piece from 1999)

 

 

Jollijeep

Naka-pwesto na at kumakalam ang sikmura
Paki abot naman ang plastic na kutsara
Pakipasa na din ang patis at sili
At paki-bilis naman ang sabaw

Isang malupit na adobo nga
At isang order ng fried rice
Sabayan mo na din ng pinakbet
Siguradong mapapasabi, “sarap, pakshet!”

‘Wag na lang imaginine kung pa’no niluto
at lalo’ng ‘di dapat alamin ang inihalo
Burahin din at ‘wag ng isipin
Kung ilan ang ibinudbod na vetsin

Extra rice pa nga kabayan
Para siguradong ‘di bitin ang t’yan
Bukas nandito ulit sigurado
Dahil palaging solve ako dito

(si Kabayan ang pinakamasarap na Jollijeep na nakaparada sa may Esteban street, Makati City)

Kabaliwan

minsan
pagbigyan mo naman
ang kahibangan

kahibangan na mahibang
sa buhay
sa ganda ng mundo
sa kabaliwan ng puso mong
sabik na sabik sa mga awit
na hindi pa naririnig

pagbigyang ang kabaliwan
sa amoy ng hamog ng bukang liwayway
habang naglalakad ng nakayapak
sa mga damo at bulaklak
na parang itinutulak
sa yakap ng mga ulap

hiya ay hindi hadlang
sumuko sa iyong nararamdaman
magpakahibang
magpakabaliw
magmayabang
ikaw ang may hawak ng iyong buhay

ipagdiwang ang kahibangan
isigaw hanggang sa dulo ng sigaw
isayaw hanggang sa lumipad
pagmasdan at malalaman
na ang iyong bahaghari
ay marami pang nakatagong kulay

pagbigyan mo naman
ang kahibangan
kahit minsan lang